Biyernes, Agosto 24, 2012


Posible ang Imposible

Kumakabog...Dumadagundong...Rumaragasang tila naghahabulan sa gitna ng kawalan. 

             Sigawan...Hiyawan...Tilian ang tanging naririnig sa kabuuan  ng Covered Court habang ipinapahayag ang mga nagsipagwagi.

            Umaasang matatawag ang bawat pangalan ng mga batang nagsilahok sa isang paligsahan sa larangan ng pamamahayag.

            Malungkot na masaya kapag hindi nababanggit ang isa man sa mga batang tinuruan. Pero ito ang reyalidad ng buhay. Sa bawat kompetisyon, may nananalo at natatalo.

            Kailangan lang tanggapin at harapin ang katotohanan. Bilog nga ang bola hindi pwedeng parating nasa ibabaw. Mapupunta ka rin sa ilalim pero patuloy pa rin itong iikot upang mapuntang muli sa itaas.

Pakaisipin lamang na ang bawat bagay sa mundo ay ipinagkaloob ng Diyos at mayroong dahilan kung bakit nakakaranas ng kabiguan ang bawat nilalang.

Sa katatapos na 2012 Division Individual Press Writing Contests na isinagawa sa Bucal Elementary School ng Calamba City, makikita ang iba’t ibang uri ng reaksyon sa mukha ng mga kabahagi ng paligsahan. May iyakan, tawanan, harutan, merong deadma lang, at meron namang takot na ipakita ang tunay na damdamin ng pagkabigo.

May mga luhang hindi mapigilan ang pagpatak sa kabiguang hindi nakasama ang pangalan sa pitong ipinahayag na mapapabilang sa Regional Schools Press Conference at  patuloy pa ring dumadaloy sa mga pisngi ang luhang dulot ng sobrang kaligayahang naranasang panalo.

Panalo ka na nga pero umiiyak ka pa rin...Ahhh...Tama.   Iba-iba nga pala ang damdamin ng bawat tao na bukod-tanging Diyos lamang ang nakababatid ng saloobin ng bawat Niyang nilikha.

Ito ang mga agaw-pansing makikita bago sumapit ang kompetisyon, oras ng laban at sa mismong bibigyan na nang parangal ang mga batang nagsipagwagi sa nabanggit na paligsahan sa larangan ng pamamahayag:
1. Puspusang pagsasanay mula sa mga gurong tagapayo.
2. Ipinauunawang mabuti ang bawat kaisipan o detalye ng kategoryang dapat salihan.
3.      Isinasapuso ang pagiging isang mamamahayag.
4.      Kinakabahan sa oras nang laban.
5.      Ipinapakita ang tapang gamit ang lapis at papel.
6.      Mapagmasid at parating handa sa mga bagay na 
      hindi inaasahan.
7.      Maipahayag ang nilalaman ng isipan sa pamamagitan 
     ng pagsulat, pagguhit, pag-aanyo, at pagsasaayos ng 
     isang artikulo.
8.     Umiiyak kapag hindi nabanggit ang pangalan sa
     mga nagsipagwagi.

     9. Tumatalon kapag natawag ang pangalan kahit hindi kampeyon sa paligsahan lalo na kung nakamit pa ang unang pwesto sa paligsahan.
   10.  Umiiyak kapag nakasama sa mga isasabak sa Regional       Level.

Ilan lamang ang mga nabanggit na sitwasyon sa ganitong pagkakataon.
Pero hindi pa rin maiwasan na may maririnig na reklamo mula sa mga gurong tagapagsanay kung bakit hindi nakabilang ang kanyang hinasang mag-aaral.

Normal lamang iyon lalo na kung nagpursiging mabuti upang maituro sa bata ang lahat ng kanyang kaalaman sa pagsulat.

Sa huli nama’y maiisip ring iba marahil ang gusto ng hurado kung bakit hindi nakaabot sa kanyang pamantayan ang isinulat ng bawat kalahok. Maaaring hindi rin sapat ang oras na ibinuhos sa pagsasanay.

Maraming aspektong dapat tingnan. Pero mas magandang batiin muna ang mga nagsipagwagi upang maibsan ang lungkot na nararamdaman. Ang tagumpay ng kasamahang nagwagi ay tagumpay na rin ng mga hindi pinalad lalo na kung iisa ang paaralang inyong pinapasukan.

Parati lamang pakatatandaan na kapag ibinigay ang lahat ng mga kaalaman sa oras ng laban hindi ka natalo. Panalo ka pa ring maituturing dahil dinala mo nang may dignidad ang paaralang pinagmulan.

Ipagmalaki mo, dahil ito ang humubog upang ikaw ay taguriang isang mamamahayag na kayang ilahad ang katotohanan at tunay na reyalidad ng buhay. Ang makabilang sa isang uri ng paligsahan na maaari mong magamit sa pagtanda...Panalo ka na!

Sa bawat panalo...Hindi tamang ilagay sa isipan ang sistemang babalot sa katauhan upang yumabang o magmalaki sa halip panatiling mapagpakumbaba at nakaapak ang mga paa sa lupa upang dumating pa ang mas maraming biyaya.

Hindi man pinalad ang ibang kasamahan na inasahang magwagi. May mga naparangalan namang hindi inaasahang mananalo dahil sa kakulangan ng oras nang pagsasanay.

Ipagpasalamat na ring hindi umuwing luhaan ang Punto Vista dahil nag-uwi rin naman ng karangalan sa Calamba ES (The School of Choice).

Ipagbunyi ang nakamit na karangalan ng The Flux na nakabilang sa Ikalawang Pwesto ng Pinakamahusay na Mamamahayag sa katatapos na 2012 Division Individual Press Writing Contests. 

May mga susunod pang laban at habang may instrumentong ginagamit ang may lalang  sa katauhan ni Gervacio De Guzman ay magpapatuloy ang mga batang nagsisikap na maipakita ang husay sa napiling larangan. 

Hindi rin natutulog ang Diyos sa mga anak niyang patuloy na umaasa, nagsisikap at nanalanging hindi sila mabibigo sa huli.

Tanging sa Poong Maykapal lamang makakaasa na ang bawat bagay sa mundo ay dumarating ng hindi inaasahan.

Marami pang kumpetisyong darating...

...Hindi natin alam ang nasa isipan ng bawat hurado pero ang isang bagay na alam ng lahat “Kapag Diyos ang pinanatili sa bawat puso...Walang Imposible sa lahat ng bagay.”

Ang imposible nagiging posible.
nle 
082412

Sanggunian:


Mga instrumento sa
tagumpay na nakamit. 
Rowena Cambel (nasa kaliwang larawan)
mga nakatayo mula sa kaliwa: Dhelma Ymson, Margie Portez, Susan Opeña, Eva Babida, Jhayson Taño, Norilie Estrabo,
mga nakaupo mula sa kaliwa: Adora Leonano, Chary Bibit at Gervacio De Guzman, Punungguro ng Calamba ES.